Iprinesenta ngayong Agosto 12, 2025 ng Philippine Statistics Authority– Apayao ang mga paunang resulta ng 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) sa bayan ng Pudtol.

Mula kaliwa pakanan: Hon. Mayor Pascua at PSA presenters.
Sa kanyang pambungad na pananalita, binigyang-diin ni Kgg. Edmar D. Pascua, Mayor ng Pudtol, ang kahalagahan ng Community-Based Monitoring System (CBMS) sa pag-unawa sa tunay na kalagayan ng komunidad. Aniya, naging malinaw sa pamahalaang panlalawigan ang halaga ng programang ito nang matuklasan na ang Apayao ay ikalawa sa pinakamahihirap na lalawigan sa bansa noong siya ay nagsisilbi pa bilang Administrador ng Probinsya ng Apayao. Bunsod nito, napagpasyahan ng mga lider ng probinsiya na magpatupad ng mga programang magpapababa sa kahirapan at magpapabuti sa kabuhayan ng mamamayan. Katunayan aniya, pinondohan ng milyon-milyong piso ang pagpapatupad ng 2022 CBMS ng Pamahalaang Panlalawigan ng Apayao.
Ipinunto rin ng alkalde na malaking tulong ang CBMS dahil nagbibigay ito ng detalyadong datos gaya ng bilang ng mga pamilyang walang palikuran na magsisilbing batayan sa pagpaplano ng mga nararapat na programa at paggawa ng mga makabuluhang resolusyon. Hinimok niya ang lahat na pahalagahan at gamitin ang impormasyong ito para sa ikabubuti ng bawat isa sa kanyang nasasakupan.
Iprinisenta naman ni Lennie Ann B. Wamil, Administrative Officer I at Municipal Focal Person ng Pudtol, ang inisyal na resulta ng 2024 CBMS kung saan tinalakay ang humigit-kumulang 30 graphs na nakaayon sa Sustainable Development Goals (SDGs).
Matapos ang presentasyon ng ilang konseptong ginamit sa 2024 POPCEN-CBMS, hinimok ni Dr. Chowen Jay P. Arellano, Senior Statistical Specialist at Provincial Focal Person ang mga kinauukulan na makibahagi sa mga nakatakdang aktibidad mula Agosto hanggang katapusan ng taong 2025 gaya ng Data Turnover Ceremony, mga statistical trainings, at Regional CBMS Data Festival. Taos-puso rin niyang pinasalamatan ang pamunuan ng bayan sa kanilang walang sawang suporta mula sa pagpaplano, pagtatala, hanggang sa huling yugto ng proyekto. Sa huli, nanawagan siya para sa patuloy na suporta ng Lokal na Pamahalaan sa mga susunod pang gawain ng PSA, partikular na sa mga proyektong may kinalaman sa CBMS.
Iminungkahi rin ni Geoffrey B. Calimuhayan, Chief Statistical Specialist na magkaroon ng permanenteng tauhan nang CBMS sa bawat munisipalidad na may sapat na kasanayan sa kompyuter upang mas mapadali ang progproseso at pagakses ng datos
Layunin ng aktibidad na maipakita ang mga pangunahing datos mula sa 2024 CBMS, kabilang ang mga panukat na nakaayon sa Sustainable Development Goals (SDGs), bilang bahagi ng masusing pagsusuri sa kalagayan ng komunidad. Dinaluhan din ito ng mga lokal na opisyal at mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan ng Lokal na Pamahalaan ng Pudtol.

Pangkatang larawan pagkatapos ng aktibidad.
GEOFFREY B. CALIMUHAYAN
Chief Statistical Specialist
PSA – Apayao
/CPA/RJA